Monday, August 15, 2011

ang palaka at ang uwang


ang palaka at ang uwang

Matahimik at masayang namumuhay sina Palaka, Gagamba at Susuhong sa lugar na iyon nang biglang dumating si Uwang. Hindi lamang matakaw ito sa pagkain ng dahon at maingay ang ugong, ito rin ay sadyang mapanudyo. Kapag pinagbawalan o pinagpagunitaan, ito'y nagbabanta pang manakit o maminsala.

Isang araw, tahimik na nanginginain si Susuhong sa tabi ng sapa nang bigla na lamang siyang suwagin ni Uwang. Nahulog siya sa agos at tinangay siya sa dakong malalim. Mabuti na lamang at nakapangunyapit siya sa isang yagit, kaya nakaahon siya sa pampang.

Minsan naman. Gumawa si Gagamba ng isang napakagandang sapot. Ipinagmalaki niya iyon kna Palaka at Susuhong. Natuwa rin ang dalawa at pinuri si Gagamba. Subalit kinabukasan, nang naghahanap ng makakain si Gagamba, hindi niya alam na winasak na ni Uwang ang kanyang sapot. Gayon na lamang ang kanyang panlulumo habang si Uwang naman ay patudyong nagtatawa.

Si Palaka naman ay sinuwag ni Uwang ng mga sungay nito, isang araw na nagpapahinga siya sa may batuhan. Namaga ang kanyang nguso ng ilang araw. Kaya ang magkakaibigan ay nagpasya isang araw. Hahamunin nila sa isang paligsahan si Uwang. Ang ilalaban nila ay si Palaka.

"Payag ako," sabi ni Uwang nang mabatid ang paligsahan. "Kung kayo ay magwagi, lalayasan ko na ang lugar nai to. Kung ako naman ang magwagi, kayo'y magiging sunud-sunuran sa akin."

Nagpalutang sila sa isang malapad na dahon sa gitna ng sapa. Mag-uunahan sina Palaka at Uwang sa pagsakay doon.

"Tiyak na ako ang magwawagi," pagmamalaki ni Uwang dahil alam niyang mabilis niyang maikakampay ang kanyang pakpak.

Sinimulan ang paligsahan. Pumaimbulog pa si Uwang habang si Palaka naman ay mabilis nang glumangoy patungo sa dahon. Mula sa itaas, sumisid si Uwang, patungo sa dahon na inaanod sa gitna ng sapa.

Ngunit nagkasabay sila sa pag-abot sa dahon. Kasabay ng pagsakay dito ni Palaka, dumapo naman si Uwang. Sa bigat nilang dalawa, lumubog ang dahon at kapwa nahulog sila sa tubig. Ang nabiglang si Uwang ay natangay ng agos.

"Tulungan mo ako, Palaka. Hindi ako marunong lumangoy," pakiusap ni Uwang.

Hindi siya pinansin ni Palaka. Umahon ito sa pampang at sinalubong ng mga kaibigang sina Gagamba at Susuhong.

"Mabuti nga sa kanya," sabi ni Palaka nang hindi na matanaw si Uwang.

Mula noon, nagbalik na ang katahimikan at kasayahan ng pamumuhay ng tatlo sa pook na iyon.

No comments:

Post a Comment