Monday, August 15, 2011

Ang buong pabula ng lalapindigowa-i


Ang buong pabula ng lalapindigowa-i



Lalapindigowa-i: Kung Bakit Maliit ang Beywang ng Putakti
Pabula ng Maranao
Batay sa pananaliksik ni Dr. Nagsura madale)
Si Lalapindigowa-i (isang putakti) ay isang masipag na magsasaka. May dalawa
siyang asawa, sina Odang (hipon) at si Orak (itlog). Tulad ng ibang Maranao, hindi
lamang siya masipag na magsasaka kundi isang tapat na asawa. Nagsusumikap siyang
magtrabaho upang mapakain ang dalawa niyang asawa.
Isang araw, nagwika siya sa mga asawa niya na dalhan siya ng pananghalian
sa bukid nang sa ganoon ay di masayang ang kanyang oras sa pag-uwi. Nagkasundo at
nagpasya ang dalawa niyang asawa na mula noon ay dadalhan siya ng pagkain sa
bukid.
Pagkaraan ng maraming araw at buwan ng paghahatid ng pagkain, nagsawa
ang mga asawa ni Lalapindigwa-i. Sa daan papuntang bukid, nagalit si Odang at
tumangging magdala ng pagkain. Si Orak ay ayaw ring maghatid ng pagkain.
Nagalit si Odang, ang hipon, at nagsimula itong magdadamba hanggang ito'y
mahulog sa kaserola at naging pula ang balat. Naawa si Orak kay Odang dahil ito ay
naluto kaya't ipinaghele niya ito. Sa di sinasadya, tumama siya sa bunganga ng kaserola
at ito'y naluto rin.
Samantala, si Lalapindigowa-i ay ginutom sa kahihintay sa kanyang dalawang
asawa. Pagkaraan ng ilang oras ng paghihitay, nagpasya siyang lumakad pauwi. Sa
daan nakita ng gutom na si Lalapindigowa-i ang basag na kaserola at ang mga asawa
niyang naluto.
Galit siya sa mga asawang tamad at sa kaparusahang tinanggap ng mga
ito.Gutum na gutom na siya kaya hinigpitan niya ang kanyang sinturon. Simula noon,
ang beywang ni Lalapindigowa-i ay lumiit nang lumiit dahil batid niyang wala nang mga
asawang magluluto para sa kanya.

ANG KUWENTO NG PUSA AT DAGA


ANG KUWENTO NG PUSA AT DAGA


Noong unang panahon, may magandang samahan ang mga pusa at daga. Isang araw, nakiusap ang Inang pusa sa Inang daga para bantayan ang anak nyang kuting na maysakit para makahanap ng manggagamot.

Ginising ng Inang daga ang kanyang anak para tumulong magbantay sa kuting. Ang sabi ng bubwit, ayaw pa nya bumangon kasi maaga pa. Ang sabi ni Inang daga, maraming pagkain sa bahay ng mga pusa para sumama ang kanyang anak.

Nagpunta ang mag-inang daga sa bahay ng mga pusa at nakita ng bubwit na may maraming pagkain at tinawag ang Inang daga. Kinain ng mag-ina ang pagkain at naubos nila lahat.

Nang magising ang kuting, nagpumilit syang pumunta sa kusina at nakita na ubos na lahat ang kanilang pagkain. Tinawag nyang matakaw ang mag-ina.

Nagalit ang bubwit sa sinabi ng kuting at kinagat sa paa ang pusa. Gumanti ang kuting sa bubwit at nakalmot nito ang mukha ng daga. Nagalit ang Inang daga at kinagat sa paa ang kuting. Tumakas ang mag-inang daga at nagtago sa kanilang lungga.

Pag-uwi ng Inang pusa, wala sa higaan ang kanyang anak. Nkita nya sa kusina ang kuting na sugatan. Ginamot nya ang mga sugat ng anak. Nang makapagsalita ang kuting, ikinuwento ng anak ang mga pangyayari. Nagalit ang Inang pusa at sinugod ang mag-inang daga.

Sabi ng inang pusa, "Daga, daga... lumabas ka diyan sa lungga..." ngunit hindi lumabas ang mag-ina dahil sa takot.

Tinawag ng Inang pusa ang kanyang mga kaanak at ikinuwento ang pangyayari. Simula noon, lagi na lamang nag-aaway ang pusa at daga.

ang palaka at ang uwang


ang palaka at ang uwang

Matahimik at masayang namumuhay sina Palaka, Gagamba at Susuhong sa lugar na iyon nang biglang dumating si Uwang. Hindi lamang matakaw ito sa pagkain ng dahon at maingay ang ugong, ito rin ay sadyang mapanudyo. Kapag pinagbawalan o pinagpagunitaan, ito'y nagbabanta pang manakit o maminsala.

Isang araw, tahimik na nanginginain si Susuhong sa tabi ng sapa nang bigla na lamang siyang suwagin ni Uwang. Nahulog siya sa agos at tinangay siya sa dakong malalim. Mabuti na lamang at nakapangunyapit siya sa isang yagit, kaya nakaahon siya sa pampang.

Minsan naman. Gumawa si Gagamba ng isang napakagandang sapot. Ipinagmalaki niya iyon kna Palaka at Susuhong. Natuwa rin ang dalawa at pinuri si Gagamba. Subalit kinabukasan, nang naghahanap ng makakain si Gagamba, hindi niya alam na winasak na ni Uwang ang kanyang sapot. Gayon na lamang ang kanyang panlulumo habang si Uwang naman ay patudyong nagtatawa.

Si Palaka naman ay sinuwag ni Uwang ng mga sungay nito, isang araw na nagpapahinga siya sa may batuhan. Namaga ang kanyang nguso ng ilang araw. Kaya ang magkakaibigan ay nagpasya isang araw. Hahamunin nila sa isang paligsahan si Uwang. Ang ilalaban nila ay si Palaka.

"Payag ako," sabi ni Uwang nang mabatid ang paligsahan. "Kung kayo ay magwagi, lalayasan ko na ang lugar nai to. Kung ako naman ang magwagi, kayo'y magiging sunud-sunuran sa akin."

Nagpalutang sila sa isang malapad na dahon sa gitna ng sapa. Mag-uunahan sina Palaka at Uwang sa pagsakay doon.

"Tiyak na ako ang magwawagi," pagmamalaki ni Uwang dahil alam niyang mabilis niyang maikakampay ang kanyang pakpak.

Sinimulan ang paligsahan. Pumaimbulog pa si Uwang habang si Palaka naman ay mabilis nang glumangoy patungo sa dahon. Mula sa itaas, sumisid si Uwang, patungo sa dahon na inaanod sa gitna ng sapa.

Ngunit nagkasabay sila sa pag-abot sa dahon. Kasabay ng pagsakay dito ni Palaka, dumapo naman si Uwang. Sa bigat nilang dalawa, lumubog ang dahon at kapwa nahulog sila sa tubig. Ang nabiglang si Uwang ay natangay ng agos.

"Tulungan mo ako, Palaka. Hindi ako marunong lumangoy," pakiusap ni Uwang.

Hindi siya pinansin ni Palaka. Umahon ito sa pampang at sinalubong ng mga kaibigang sina Gagamba at Susuhong.

"Mabuti nga sa kanya," sabi ni Palaka nang hindi na matanaw si Uwang.

Mula noon, nagbalik na ang katahimikan at kasayahan ng pamumuhay ng tatlo sa pook na iyon.

Matsing at Pagong


Matsing at Pagong

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. "Halika Matsing, kainin natin ang pansit" nag-aayang sabi ni Pagong
"Naku baka panis na yan"sabi ni Matsing
"Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n'yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain" dagdag pa nito.
"Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning" sabi ni Pagong
"Kahit na, ako muna ang kakain" pagmamatigas ni Matsing
Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.
"Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain" paliwanag ng tusong matsing.
Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.
Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.
"Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito" masayang sabi ni Pagong
"Gusto ko rin ng saging na 'yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin"sabi ni Matsing
"Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung gusto mo hatiin na lang natin."
"Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?" nakangising sabi ni Matsing
"Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong
"Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte"sabi ni Matsing
Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.
Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.
Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.
Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.
"Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo"sabi ni Matsing
"Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat" paliwanag ni Pagong
"hmp kaya pala nalanta ang aking tanim"nanggigil na sambit ni Matsing
"Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin" anyaya nito
"Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin."sabi ni Pagong
"Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta't bigyan mo lang ako ng konti para sa aking meryenda" sabi ni Matsing
Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.
"Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!" tuwang-tuwang sabi ni Matsing
Nanatili sa itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.
Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya't humingi ito ng tulong kay Pagong.
"Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas"pagmamakaawa ni Matsing
"Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan." sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning
Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.
"Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!" daing ng tusong matsing
"Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin"bulong nito sa sarili
Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.
"Hoy Pagong humanda ka ngayon!" galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.
"Anong gagawin mo sa akin?" takot na tanong ni Pagong
"Tatadtarin kita ng pinong pino"sabi ni Matsing
Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.
"Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagjputol putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha"sabi ni Pagong
Nag-isip ng malalin si Matsing
"Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka" sabi ni Matsing
"Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito" pagyayabang ni Pagong
Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.
"Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!" sabi ni Matsing
Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.
"Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na..." pagmamakaawa ni Pagong
Tuwang-tuwa si Matsing sa pagaakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.
"Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong
Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.
Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.
Sabi nga:
Tuso man ang matsing, naiisahan din

"ANG MASAMANG KALAHI"


"ANG MASAMANG KALAHI"


Buhat nang mapatakbo ni Toniong Tandang si Tenoriong Talisain ay humanap na ng ibang libutan ang natalong katyaw at doon sa bagong libutan ay medaling nakapamayagpag na muli ang talisain.

Ang mga katyaw na leghorn doon ay medaling nasilaw sa balitang bilis at lakas ni Tenoriong Talisain. At madali niyang naging kaibigan ang pinakamaganda sa mga banyagang manok na si Lolitang Leghorn.

Isang araw ay galit nag alit na umuwi si Dinang Dumalaga.

"Naku!" ang bulalas ni dumalaga. "Ako opala'y sinisiraan ni Tenoriong Talisain. Ako raw ay naging kasintahan niya..."

"Diyata?" ang bulalas din ni Aling Martang Manok.

"At katakut-takot na paninira daw laban sa mga kalahi ang ginagawa ng talisaing iyan. Tayo raw ay ikinahihiya niya. Masamang lahi raw tayo."

Gayon din ang ikinagalit ni Toniong Tandang nang siya ay dumating.

"Napakasamang manok iyang si Tenoriong Talisain," ang wika ng tandang. "Kaganina'y nakita ko. Kung lumakad at magsalita'y ginagaya niya ang mga leghorn. Ang balita ko pa'y nagpapakulay dawn g balahibo upang maging mistulang leghorn na. nakapanginginig ng laman..."

"Bayaan ninyo siya," ang wika ni Aling Martang Manok. "Pagsisisihan din niya ang kanyang ginagawang iyan."

Ilang araw, pagkatapos ay dumating si Toniong Tandang na kasama si Tenoriong Talisain. Gusut-gusot na ang balahibo ng katyaw. Pilay ang isang paa, pasa-pasa ang buong katawan at hindi halos makagulapay.

"Bakit? Ano ang nangyari?" ang tanungan ng mga kalahing manok.

"Iyan pala ay maluwat nang nakakainisan ng mga katyaw na leghorn," ang wika ni Tenoriong Talisain. "Kangina'y nakita ko na lamang na pinagtutulungan ng apat na katyaw na leghorn."

"Bakit hindi mo pa pinabayaang mapatay?" ang wika ng mga kalahing manok. "Tayo rin lamang ay ikinahihiya niya at itinatakwil pa..."

"Talaga nga sanang ibig ko nang pabayaan," ang wika ni Toniong Tandang. "Ngunit hindi rin ako nakatiis. At talaga namang kung hindi ako sumaklolo'y nasirang Tenoriong Talisain na siya ngayon."

"Nakita mo na, Tenoriong Talisain!" ang wika ni Aling Martang Manok. "Iyang kalahi, kahit masamain mo'y talagang hindi makatitiis."