Sunday, February 5, 2012

BUOD BAWAT KABANATA NG NOLI ME TANGERE.



Kabanata I
Isang Handaan

Isang marangyang salu-salo ang ipinag-anyaya ni Don Santiago de los Santos na higit na popular sa taguring kapitan Tiago. Kabilang sa mga bisita ang bagong dating sa Pilipinas na si Padre Damaso na nailabas ang kanyang mapanlait na ugali.


Kabanata II
Si Crisostomo Ibarra

Ipinakilala ni Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kanyang kaibigang namatay at kararating lamang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa. Tulad ng kaugaliang Aleman na natutuhan ni Ibarra buhat sa kanyang pag-aaral sa Europa, ipinakilala niya ang kanyang sarili sa mga nanduruong kamukha niyang panauhin.





Kabanata III
Ang Hapunan



Pinag-tatalunan ng dalawang pari kung sino ang uupo sa isang dulo ng mesa. Sa tingin ni Padre Sibyla, si Padre Damaso ang dapat umupo roon dahil siya ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tiyago. Pero, si Padre Sibyla naman ang iginigiit ng Paring Pransiskano. Si Sibyla ang kura sa lugar na iyon, kung kaya’t siya ang karapat-dapat na umupo. Maraming nakausap si Ibarra at pagkatapos ay nagpaalam ng uuwi bagamat pnigilan ni Kapitan Tiago dahil dadating si Maria Clara ay hindi nagpatinag ang binata.


Kabanata IV
Erehe at Pilibustero

Naglakad-lakad si Ibarra at nakilala niya si Tinyente Guevarra na pinakiusapan niyang magkwento tungkol sa buhay ng kanyang ama dahil wala siyang nalalaman tungkol dito. Ayon dito, ang kanyang ama ang pinakamayaman sa kanilang lalawigan bagamat siya ay ginagalang ay kinaiinggitan. Pinagbintangan siyang nakapatay kaya pinagbintangan siyang erehe at pilibustero.





Kabanata V
Pangarap sa Gabing Madilim



Sakay ng kalesa, dumating si Ibarra sa Fonda de Lala. Mula sa bintana, natanaw niya ang isang maliwanag na bahay sa kabila ng ilog. May isang magandang binibini na nababalot ng manipis na habi,may suot na diyamante at ginto. Ang mga umpukan naman ng mga Kastila, Pilipino, pari, intsik, militar ay nakatuon lahat sa kagandahan ni Maria Clara.


Kabanata VI
Si Kapitan Tiago

Ang katangian ni kapitan Tiago ay itinuturing hulog ng langit. Siya ay pandak, di kaputian at may bilugang mukha. Maitim ang buhok, at kung hindi lamang nanabako at ngumanganga, maituturing na sya ay magandang lalaki. Dahil sa siya ay mayaman, siya ay isang impluwensyadong tao. Siya ay malakas sa mga taong nasa gobeyerno at halos kaibigan nya lahat ng mga prayle. Ang turing niya sa sarili ay isang tunay na Kastila at hindi Pilipino.




Kabanata VII
Suyuan sa Asotea



Nanlamig at biglang nabitawan ni Maria Clara ang tinatahi ng may biglang tumigil na sasakyan sa kanilang tapat. Nang maulinigan niya ang boses ni Ibarra, dali-daling pumasok sa silid si Maria Clara. Tinulungan siya ni tiya Isabel na mag-ayos ng sarili bago harapin si Ibarra. Nang magkita na sila ni Ibarra at nagtama ang kanilang paningin, nakaramdam silang dalawa ng tuwa.


Kabanata VIII
Mga Alaala

Habang binabagtas ni Ibarra ang isang pook sa Maynila, marami siyang naalala. Kabilang dito ang mga kalesa at karumatang hindi tumitigil sa pagbibiyahe, mga taong may ibat-ibang uri ng kasuotan na katulad ng mga Europeo, Intsik, Pilipino, mga babaing naglalako ng mga bungang-kahoy, mga lalakinh hubad na nagpapasan, mga ponda at restauran at pati ang mga karitong hila ng mga makupad na kalabaw.


Kabanata IX
Mga Suliranin Tungkol sa Bayan

May isang karwaheng nakatigil sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago. Ang nakasakay sa loob nito ay si Tiya Isabel at hinihintay na lamang na sumakay si Maria. Biglang dumating si Padre Damaso at kinausap si Kapitan Tiago. Tutol si Padre Damaso sa pakikipagmabutihan ni Maria Clara kay Ibarra.


Kabanata X
Ang San Diego

Ang San Diego ay isang karaniwang bayan sa Pilipinas na nasa isang baybayin ng isang lawa at my malalapad na bukirin at palayan. Mula sa pinakamataas na bahagi ng simboryo ng simbahan, halos natatanaw ang kabuuan ng bayan.




Kabanata XI
Ang mga Makapangyarihan



Ang San Diego ay maihahalintulad sa Roma at Italya sa mahigpit na pag-aagawan sa kapangyarihan pamunuan ng bayan. Ang alperes at si Padre Salvi ang siyang makapangyarihan dito.


Kabanata XII
Araw ng mga Patay

Ang sementeryo ng San Diego ay nasa kalagitnaan ng isang malawak na palayan at may bakod na lumang pader at kawayan. Sa ibang bahagi ng libingan, may dalawang tao ang humuhukay ng paglilibingan na malapit sa pader na parang babagsak na. Sinabi ng naninigarilyong lalaki sa sepulturero na lumipat na sila ng ibang lugar sapagkat sariwa at dumudugo pa ang bangkay na kanyang hinuhukay. Hindi niya matagalan ang gayong tanawin.


Kabanata XIII
Mga Unang Banta ng Unos

Dumating si Ibarra sa libangan at hinanap ang puntod ng ama- si Don Rafael. Nakita nina Ibarra at matanda ang sepulturero. Sinabi nila ang palatandaan ng libingan ni Don Rafael. Tumango ang tagapaglibing. Pero nasindak si Ibarra ng ipagtapat ng sepulturero na kanyang sinunog ang krus at itinapon naman ang bangkay sa lawa dahil sa utos ni Padre Garrote.


Kabanata XIV
Si Pilosopo Tasyo

Si Pilosopo Tasyo ay dating Don Anastacio. Dahil sa katalinuhan, pinatigil saiya sa pag-aaral ng kanyang ina dahil ang gusto nito para sa anak ay maging isang pari.


Kabanata XV
Ang mga Sakristan

Si Crispin at Basilio ay magkapatid na sakristan. Nagtatrabaho sila sa simbahan na taga kampana na sineswelduhan lang ng 2.00 kada buwan. Pinapalo sila at pinagbintangan na mgananakaw sa simbahan. Kapag nalaman ito ni Sisa ay siguradong magagalit ito.


Kabanata XVI
Si Sisa

Si Sisa ay nakatira sa isang maliit na dampa na sa labas ng bayan. May isang oras din bago marating ang kanyang tirahan mula sa kabayanan. Kapuspalad si Sisa sapagkat nakapag-asawa siya ng lalaking iresponsable, walang pakialam sa buhay, sugarol at palaboy sa lansangan. Si Sisa lamang ang kumakalinga kay Basilio at Crispin. Dahil sa kapabayaan ng kanyang asawa, naipagbili niya ang mga alahas niya ng siya ay dalaga pa. Minsan lang umuwi ang kanyang asawa at sinasaktan pa siya.


Kabanata XVII
Si Basilio

Napatigagal si Sisa nang dumating si Basiliong sugatan ang ulo. Dumadaloy ang masaganang dugo. Tinanong ni Sisa kung bakit naiwan si Crispin. Sinabi ni Basilio na napagbintangan na nagnakaw ng dalawang onsa si Crispin. Hindi niya sinabi ang parusang natikman ng kapatid sa kamay ng sakristan mayor.


Kabanata XVIII
Mga Kaluluwang Naghihirap

Dumeretso si Sisa sa ksina ng kumbento. Nakiusap si Sisa sa tagapagluto kung maari niyang makausap ang pari. Pero, sinabi sa kanyang hindi sapagkat may sakit ito. Tinanong niya ang tagapagluto, Kung nasaan si Crispin. Ang sagot sa kanyang tanong ay parang bombang sumabog sa kanyang pandinig: Si Crispin ay nagtanan din pagkatapos na makapagnakaw ng dalawang onsa at pagkawala ng pagkawala ng makapatid. Naipagbigay alam na ng alila sa utos ng kura ang pangyayari sa kwartel. Ang mga guwardiya sibil ay maaring nasa dampa na nina Sisa upang hulihin ang magkapatid, pagdiin pa ng alila.




Kabanata XIX
Mga Suliranin ng Isang Guro



Kahit na dumaan ang malakas na bagyo,ang lawa ay hindi gaanong nabagabag. Palibhasa ito ay napapaligiran ng mga bundok. Sa tabi ng lawa, nag-uusap sina Ibarra at ang binatang guro. Itinuro ng guro kay Ibarra kung saang panig ng lawa itinapon ang labi ni Don Rafael.


Kabanata XX
Ang Pulong sa Tribunal

Ang tribunal ay isang malaking bulwagan na siyang pinagtitipunan at lugar na pulungan mga may kapangyarihang mga tao sa bayan. May labing isang araw na lamang ang nalalabi at pista na. Tinuligsa ni Don Felipo ang tinyente mayor at kapitan dahil malabo pa ang mga paghahanda sa pyesta.


Kabanata XXI
Mga Pagdurusa ni Sisa

Lito ang isip na tumatakbong pauwi si Sisa. Matinding bumabagabag sa kanyang isip ang katotohanang sinabi sa kanya ng kawaksi ng kura. Para siyang tatakasan ng sariling bait sa pag-iisip kung paano maiililigtas sina Basilio at Crispin sa kamay ng mga sibil. Tumindi ang sikdo ng kanyang dibdib nang papalapit na siya sa kanyang bahay ay natanaw na niya nag dalawang sibil na papaalis na. Saglit na nawala ang kaba sa kanyang dibdib.


Kabanata XXII
Liwanag at Dilim

Magkasamang dumating si Maria at ang kanyang Tiya Isabel sa San Diego para sa pistang darating. Naging bukambibig ang pagdating ni Maria sapagkat matagal na siyang hindi nakakauwi sa bayang sinilangan. Ipinakiusap ni Maria sa kasintahan na huwag ng isama ang kura sa lakad nila sapagkat magmula ng dumating siya sa bayan nilulukob siya ng pagkatakot sa tuwing makakaharap niya ang kura.


Kabanata XXIII
Ang Piknik

Si Maria Clara ay kaagapay ang mga matatalik nitong kaibigan na sina Iday, Victorina, Sinang at Neneng. Habang naglalakad masaya silang nagkukuwentuhan at nagbibiruan. Paminsan-minsa ay binabawalan sila ng mga matatandang babae sa pangunguna ni Tiya Isabel. Pero, sige pa rin ang kanilang kuwentuhan.


Kabanata XXIV
Sa Kagubatan

Pagkatapos na makapagmisa ng maaga si Padre Salvi, nagtuloy ito sa kumbento upang kumain ng almusal. May inabot na sulat ang kanyang kawaksi. Binasa niya ito. Kapagdaka’y nilamutak ang liham at hindi na nag-almusal. Ipihanda niya ang kanyang karwahe at nagpahatid sa piknikan.




Kabanata XXV
Sa Tahanan ng Pilosopo



Nagpatuloy na magkaroon ng tunggalian ng paniniwala sina Mang Tasyo at Ibarra. Ayon pa rin kay Mang Tasyo ang gobyerno ay kasangkapan lamang ng simbahan. Na ito ay matatag sapagkat nakasandig sa pader ng kumbento at ito ay kusang babagsak sa sandaling iwan ng simbahan.


Kabanata XXVI
Ang Bisperas ng Pista

Sa bahay ng mga nakakariwasa,nakaayos ang minatamis na bungang kahoy,may nakahandang pagkain ,alka na binili pa sa Maynila na katulad ng hamon at ng relyenong pabo,serbesa,tsanpan at iba pang klase ng alak na inangkat pa mula sa Europa. Ang mga pagkain ganito ay inuukol sa mga banyaga,kaibigan o kaaway,at sa mga Pilipino, mahirap man o mayamanupang masiyahan sila sa pista.


Kabanata XXVII
Sa Pagtakip Salim

Sa lahat ng may handaan sa pista ng San Diego, isa kay Kapitan Tiyago ang pinakamalaki. Sinadya niyang higitan sa dami ng handa ang mga taga lalawigan dahil kay Maria at Ibarra na kanyang mamanugangin.Dahil si Ibarra ay pinuri pa ng isang tanyag na diyaryo sa Maynila sa pagsasabing siya ay bihasa at mayamang kapitalista, Kastilang-Pilipino at iba pa.


Kabanata XXVIII
Sulatan

Inilathala sa isang malaganap na pahayagan sa Maynila ang tungkol sa pista. Ginawa ito upang malaman ng banyaga na interesadong mabatid ang mga pamamaraan ng pagdaraos ng pista ng mga Pilipino. Nakasaad sa dyaryo na walng makakatulad sa karangyaan ng pista ng pinangangasiwaaan ng mga paring pransiskano, pagdalo ni Padre Hermando Sybila, mga kakilala at mamamayang Kastila at ginoo ng gabinete, Batanggas at Maynila.


Kabanata XXIX
Ang Umaga

Ang mga tao ay nagbihis na ng mga magara at ginamit ang mga hiyas na itinatago nila.Eksaktong alas otso ng umaga, nang simula ang prusisyon. Ito ay dinaan sa ilalim ng tolda at inilawan ng matatandang dalaga na kausap sa kapatiran ni San Francisco.
Naiiba ang prusisyon kaysa sa nagdaang araw sapagkat ang mga nagsisilaw ay nakaabitong ginggon. Sa suot na abito ay kaagad na makikilala ang mayayaman at mahihirap.


Kabanata XXX
Sa Simbahan

Punong-puno ng tao ang simbahan. Bawat isa ay gustong makasawsaw sa agua bendita. Halos hindi na humihinga ang mga tao sa loob ng simbahan. Ang sermon ay binayaran ng P250, ikatlong bahagi ng ibinayad sa komedya na magatatanghal sa loob ng tatlong gabi. Naniniwala ang mga tao na kahit na mahal ang bayad sa komedya, ang manonood dito ay mahuhulog sa impierno ang kaluluwa. Ang mga nakikinig naman sa sermon ay tuloy-tuloy sa langit.


Kabanata XXXI
Ang Sermon

Pinatunayan ni Padre Damaso na kaya niyang magsermon sa wikang kastila at Tagalog. Humanga si Pari Sibyla sa pagkabigkas ni Padre Damaso at si Padre Martin ay napalunok ng laway dahil sa alam niyang higit na maagaling ang pambungad na iyon sa kanyang sariling sermon.


Kabanata XXXII
Ang Panghugos

Ipinakita ng taong madilaw kay Nor Juan kung paano niya mapapagalaw ang pampakilos ng kalong ang kanyang itinayo.
Sabi nito ay mayroong walang metro ang taas , nakabaon sa lupa ang apat na haligi. Sa haligi nakasabit ang malalaking lubid kayaq tila napakatibay ng pagkayari at napakalaki. Ang bandang itaas naman ay mayroong banderang iba-iba ang kulay.


Kabanata XXXIII
Malayang Kaisipan

Panauhin ni Ibarra si Elias. Hiningi ni Elias sa binata na ipaglihim nito ang pagbibigay niya ng babala sa kanya. Isa pa, si Elias ay nagbabayad lamang ng utang na loob sa kanya. Ipinaliwanag din niya na dapat pa ring mag-ingat si Ibarra sapagkat sa lahat ng dako ito ay mayroong kaaway.


Kabanata XXXIV
Ang Pananghalian

Patapos na ang tanghalian nang dumating si Padre Damaso. Lahat bumati sa kanya, maliban kay Ibarra. Nahalata ng alkalde na panay ang pasaring ni Pari Damaso kay Ibarra. Sinikap na ibahin nito ang usapan, pero patuloy ang pari sa pagsasaring. Walang kibo na lamang si Ibarra. Pero, nang ungkatin ni Pari Damaso ang tungklol sa pagkamatay ng ama ni Ibarrang may kasamang pag-aglahi. Sumulak ang dugo ni Ibarra. Biglang dinaluhong niya si Pari Damaso at sasaksakin nito sa dibdib. Pero, pinigilan siya ni Maria.


Kabanata XXXV
Mga Usap-usapan

Ang mga pangyayaring namagitan kina Ibarra at Padre Damaso ay madaling kumalat sa buong San Diego. Sa mga usapan, hindi matukoy kung sino ang may katwiran sa dalawa. Handa ang binata na dungisan ang kamay nito sa sinumang lumapastanganan sa kanyang ama.


Kabanata XXXVI
Ang Unang Suliranin

Isang malaking gulo ang nangyayari sa bahay ni Tiyago dahil sa hindi inaasahang pagdating ng Kapitan-Heneral. Si Maria ay panay ang pagtangis at hindi pinakikinggan ang payo ng kanyang ale at ni Andeng. Paano nga, pinagbawalan si Maria ng kanyang ama na makipag-usap kay Ibarra habang hindi pa inaalis ang eskomonyon sa binata.


Kabanata XXXVII
Ang Kapitan-Heneral

Pagkadating ng Kapitan-Heneral, ipinahanap niya kaagad si Ibarra. Samantala, kinausap muna niya ang binatang Taga-Maynila na nagkamaling lumabas habang nagsesermon sa misa si Padre Damaso. Ang paglabas ng binata sa simbahan ay ikinagalit ni Damaso. Namumutla at nginig ang buong katawan ng binata ng pumasok siyang kausapin ng Heneral. Ngunit, ng lumabas na ito, nakangiti na siya. Ito ay tanda ng mabuting ugali ng Kapitan-Heneral. Mayroon siyang panahon basta sa katarungan.


Kabanata XXXVIII
Ang Prusisyon

Ang nakakatulig na paputok at sunod-sunod na pagdupikal ng mga batingaw ay nagbabadyang inilabas na ang prusisyon. Ang mga binata na halos lahat ay mayroong dalang sinding parol. Kasamang naglalakad ni Kapitan Heneral ang mga kagawad, si Kapitan Tiyago, ang alkalde, ang alperes at si Ibarra at patungo sa bahay ng kapitan.


Kabanata XXXIX
Si Donya Consolacion

Kahit na napatapat ang prusisyon sa bahay ni Donya Consolacion ay pinid na pinid. Nang umagang iyon, ang asawa ng alperes at paraluman ng mga guwardiya sibil ay hindi nakapagsimba. Paano hindi siya pinayagang lumabas ng kanyang asawa. Ikinahihiya ng alperes ang katawa-tawang pagdadamit nito. Ang kanya namang amoy katulad ng kalaguyo ng mga guwardiya sibil. Pero, para sa sarili ni Donya Consolacion siya ay higit pa ngang maganda kaysa kay Maria Clara.


Kabanata XL
Ang Karapatan at Lakas

Mag-iikasampu na ng gabi ng paisa-isang sindihan ang mga kuwitis. Ang huling pailaw ay parang bulkan habang ang daan ay naliliwanagan ng ‘luces de Bengala’ na siyang nagsisilbing ilaw sa mga taong naglalakad patungo sa liwasang bayan. Tapos na ang unang bahagi ng dula nang pumasok si Ibarra. Umugong ang bulungan, pero hindi ito pinansin ni Ibarra. Malugod na binati niya ang kasintahan at ang mga kasama nito.



Kabanata XLI
Dalawang Dalawa

Dahil sa nangyari hindi dalawin ng antok si Ibarra, kaya naisipan nitong gumawa sa kanyang laboratoryo. Pamaya-maya pumasok ang kanyang utusan at sinabing mayroon siyang panauhing taga-bukid. Pinapatuloy niya ito ng hindi man lamang lumilingon. Ang kanyang panauhin ay si Elias. Tatlo ang pakay ni Elias sa pagpunta niya kay Ibarra. Una, ay upang ipaalam na nilalagnat o may sakit si Maria Clara. Ikalawa, magpapaalam na siya kay Ibarra sapagkat nakatakda siyang magtungo sa Batangas at ikatlo, itatanong niya sa binata kung wala itong ipagbibilin sa kanya. Hinangad ni Ibarra ang maluwalhating paglalakbay ni Elias.


Kabanata XLII
Ang Mag-asawang De Espadaña

Dumating sa bahay ni Kapitan Tiago sina Dr. Tiburcio de Espadana, na inaanak ng kamag-anak ni Pari Damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya at ang kanyang asawa na si Donya Victorina na sa biglang tingin ay napapagkamalang isang Orofea.


Kabanata XLIII
Mga Balak o Panukala

Ipinakilala ni Donya Victorina si Linares. Sinabi ni Linares na siya ay anaanak ng bayaw ni Damaso na si Carlicos. Ibinigay ni Linares ang sulat sa pari na binasa naman niya. Lumitaw na si Linares ay nangangailangan ng trabho at mapapangasawa. Ayon kay Damaso madali niyang maihanap ng trabaho ang binata sapagkat ito ay tinanggap na abogado sa Universidad Central. Tungkol naman sa pag-aasawa, sinabi ni Damaso na kakauapin nila si Tiyago.


Kabanata XLIV
Pagsusuri sa Budhi

Nabinat si Maria pagkatapos na makapagkumpisal. Sa kanyang pagkahibang walang sinasabing pangalan kundi ang pangalan ng kanyang inang hindi man lamang nakikilala.Siya ay binabantayang mabuti ng kanyang mga kaibigang dalaga. Si Tiyago naman ay nagpamisa at nangako na magbibigay ng tungkod na ginto sa Birhen ng Antipolo. Unti-unti namang bumaba ang lagnat ni Maria.
Takang-taka naman si Don Tiburcio sa naging epekto ng gamot na inireseta niya sa dalaga. Sa kasiyahan ni Donya Victorina hindi niya nilabnot ang pustiso ng asawa.


Kabanata XLV
Ang mga Pinag-uusig

Ipinahayag ni Elias Kay Matandang Pablo na siya ay nagkapalad na makilala at makatulong sa isang binatang mayaman, matapat, may pinag-aralan at nag-iisang anak ng isang taong marangal na hinamak din ng isang pari, maraming kaibigan sa Madrid kabilang na ang Kapitan-Heneral. Bilang pagbibigay diin, tiniyak ni Elias sa matanda na makakatulong daw ang binatang ito sa kanilang pagnasang maipaabot sa heneral ang mga hinaing ng bayan.


Kabanata XLVI
Ang Sabungan

Katulad din ng iba pang bayan ng Pilipinas, may sabungan din sa San Diego. Nasa loob ng sabungan sina Kapitan Pablo, Kapitan Basilio at Lucas. Habang hindi magkamayaw sa pagpusta ang ilang sabungero sa gagawing pagsusultada, ang dalawang binatang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno ay naiinggit sa mga pumupusta.


Kabanata XLVII
Ang Dalawang Senyora

Habang nakikipaglaban ang lasak ni Kapitan Tiyago, magkaakbay naman na namamasyal sina Donya Victorina at Don Tiburcio upang malasin ang bahay ng mga Indio. Nang mapadaan ang Donya sa tapat ng bahay ng alperes nagkatama ang kanilang mga paningin. Parehong matalim. Tiningnan ng alperes ang Donya mula ulo hanngang paa, ngumuso at dumura sa kabila. Sinugod ng Donya ang alperes at nagkaroon ng mainitang pagtatalo… Binanggit ng Donya ang pagiging labandera ng alperesa samantalang pinagdidikdikan naman ng huli ang pagiging pilay at mapagpanggap na asawa ng Donya. Puyos sa galit, Habang hawak na mahigpit ang latigo ng alperes na nanaog si Donya Consolacion, upang daluhugin si Donia Victorina. Pero, Bago mag-pang-abot ang dalawa, dumating ang alperes. Umawat si Don Tiburcio. Ang pangyayari ay sinaksihan ng maraming tao na nakatawag pansin ng kanilang pagtatalakan.


Kabanata XLVIII
Ang Talinhaga

Sinabi ni Ibarra sa kasintahan ang dahilan ng kanyang hindi pinasabing pagdalaw. Nakatingin lamang sa kanya si Maria na parang inuunawa ang bawat katagang namutawi sa kanyang labi. Malungkot si Maria, kaya nakuro ni Ibarra na bukas nalamang siya dadalaw.Tumango ang dalaga. Umalis si Ibarra na ang puso ay ginugutay ng matinding pag-aalinlangan, gulo ang kanyang isip.


Kabanata XLIX
Ang Tinig ng mga Pinag-uusig

Nang lumulan si Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan. Kaya, kaagad na humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata. Hindi na nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo ng mga sawimpalad. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan (Si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at pagbabala.


Kabanata L
Ang mga Kaanak ni Elias

Isinalaysay ni Elias ang kanyang kasaysayan kay Ibarra upang malaman nito na siya ay kabilang din sa mga sawimpalad. May 60 taon na ang nakakalipas, ang kanyang nuno ay isang tenedor de libros sa isang bahay- kalakal ng kastila.Kasama ng kanyang asawa at isang anak na lalaki, ito ay nanirahan sa Maynila.Isang gabi nasunog ang isang tanggapang pinaglilingkuran niya. Isinakdal ang kanyang nuno sa salang panununog. Palibhasay maralita at walang kayang ibayad sa abogado, siya ay nahatulan. Ito ay ipinaseo sa lansangan na nakagapos sa kabayo at pinapalo sa bawat panulukan ng daan. Buntis noon ang asawa, nagtangka pa ring humanap ng pagkakakitaan kahit na sa masamang paraan para sa anak at asawang may sakit. Nang gumaling ang sugat ng kanyang nuno, silang mag-anak ay namundok na lamang. Nanganak ang babae, ngunit hindi nagtagal namatay ito. Hindi nakayanan ng kanyang nuno ang sapin-saping pagdurusang kanilang natanggap. Nagbigti ito. Hindi ito naipalibing ng babae. Nangamoy ang bangkay at nalaman ng mga awtoridad ang pagkamatay ng asawa.Nahatulan din siyang paluin.Pero, ito ay hindi itinuloy at ipinagpaliban sapagkat dalawang buwan siyang buntis nuon. Gayunman, pagkasilang niya, ginawa ang hatol.


Kabanata LI
Mga Pagbabago

Hindi nakaimik si Linares sapagkat nakatanggap siya ng liham mula kay Donya Victorina. Alam ni Linares na hindi nagbibiro ang Donya. Kailangang hamunin niya ang alperes subalit sino naman kaya ang papayag na maging padrino niya, ang kura kaya o si Kapitan Tiyago. Pinagsisisihan niya ang kanyang paghahambog at pagsisinungaling sa paghahangad lamang na makapagsamantala. Labis siyang nagpatianod sa kapritso ng Donya. 


Kabanata LII
Ang Baraha ng Patay at ang mga Anino

Madilim ang gabi at malamig ang ihip ng hangin pumapaspas sa mga dahong tuyo at alikabok ng makipot ng daang patungo sa libingan. May tatlong anino na paanas na naguusap sa ilalim ng pinto ng libingan. Itinanong ng isa kung nakausap na niya ng kaharap si Elias. Hindi raw pero siguradong kasama ito sapagkat nailigtas na minsan ni Ibarra ang buhay nito. Tumugon ang unang anino na ito nga ay pumayag na sumama sapagkat ipapadala ni Ibarra sa Maynila ang kanyang asawa upang ipagamot. Siya ang sasalakay sa kumbento upang makaganti siya sa kura.


Kabanata LIII
Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga

Kinabukasan ng umaga, kumalat ang balita tungkol sa mga ilaw na nakita sa libingan ng nakaraang gabi. Sa paniniwala ng mga puno ng mga kapatiran ni San Francisco, may 20 ang nakita niyang kandila na sinindihan. Panaghoy at paghikbi naman ang narinig ni Ermana sipa kahit na malayo ang kanyang bahay sa libingan. Sa pulpito, binigyang diin naman ng kura sa kanyang sermon ang tungkol sa kaluluwa sa purgartoryo.


Kabanata LIV
Lahat ng Lihim ay Nabubunyag at Walang Di Nagkakamit ng Parusa

Tinulungan ni Elias si Ibarra sa pagpili ng mga kasulatan. Sa mga kasulatan, nabasa niya ang tungkol kay Don Pedro Eibarramendia at tinanong niya kay Ibarra kung ano ang relasyon nito sa kanya. Halos nayanig ang buong pagkatao ni Elias nang sabihin ni Ibarra na iyon ang kanyang nuno na ipinaikli lamang ang apilyido. Isa pa, ito ay isang Baskongado. Natagpuan na ng piloto ang lahing lumikha ng matinding kasawian sa kanilang buhay.


Kabanata LV
Ang Pagkakagulo

Oras ng hapunan pero nagdahilan si Maria na wala siyang ganang kumain. Nakatakdang dumating sa ikawalo ng gabi si Ibarra. Ika-walo rin ng gabi ang nakatakdang paglusob sa kumbento at sa kwartel. Nang sumapit ang ikawalo, napaupo sa isang sulok ang pari samantalang ang magkaibigan ay hindi malaman ang gagawin. Nang tumugtog ang kampana, silang lahat ay tumindig upang magdasal.


Kabanata LVI
Ang mga Sabi at Kuro-kuro

Hanggang sa kinabukasan sakmal pa rin ng takot ang buong bayan ng San Diego. Ni isa mang tao ay walang makitang naglalakad sa gitna ng daan. Tahimik na tahimik ang buong paligid. Pamaya-maya, isang bata ang naglakas loob na magbukas ng bintana at inilibot ang paningin. Dahil sa ginawa ng bata, nagsisunod ang mga iba na magbukas ng bintana. Ang mga magkakapit-bahay ay nagbalitaan. Lubhang kalagim-lagim daw ang nagdaang gabi tulad noong mandambong si Balat. Sa kanilang pag-uusap, lumilitaw na si Kapitan Pablo raw ang sumalakay.


Kabanata LVII
Vae Victus! Sa Aba ng Mga Manlulupig

Tarsilo Alasigan ang tunay na pangalan ni Tarsilo. Pilit siyang tinatanong kung kaalam si Ibarra sa nasabing paglusob. Ngunit, iginigiit din niyang walang kamalay-malay si Ibarra sapagkat ang ginawa ay upang ipaghiganti ang kanilang amang pinatay sa palo ng mga sibil. Dahil dito, iniutos ng alperes na dalhin si Tarsilo sa limang bangkay, ito ay umiling. Nakita niya ang kanyang kapatid na si Bruno sa tadtad ng saksak, si Pedro na asawa ni Sisa at ang kay Lucas na may tali pang Lubid sa leeg. Dahil sa patuloy itong walang immik kahit sa sunod-sunod ang pagtatanong sa kanya. Nagpuyos sa galit ang alperes. Iniutos na paluin ng yantok si Tarsilo hanggang sa magdugo ang buong katawan nito.


Kabanata LVIII
Ang Sinumpa


Tuliro at balisa ang mga pamilya ng mga bilanggo. Nakakapaso ang sikat ng araw, ngunit ang mga babae ay ayaw umalis.  Mag-iikalawa ng hapon ng dumating ang isang kariton na hila ang isang baka. Tinangka ng mga kaanak ng mga bilanggo na sirain at kalagan ang mga hayop na humihila sa kariton. Pero pinagbawalan sila ni Kapitana Maria at sinabing kapag ginawan nila iyon, mahihirapan sa paglakad ng kanilang ka-anak ng bilanggo.  Pagkakita kay Ibarra ng mga tao, biglang umugong ang salitaan na kung sino pa ang may sala ay siya pa itong walang tali. Dahil dito ay inutusan ni Ibarra na gapusin siya ng mga kawal ng abot-siko.


Kabanata LIX
Pag-ibig sa Bayan

Ang ginawang pagluson ng mga naapi o sawimpalad ay nakarating at napalathala sa mga diyaryo sa Maynila. Iba rin ang balitang nagmula sa kumbento. Iba-iba ang estilo ng mga balitang lumaganap. Sa ibang kumbento naman ay iba ang pinag-uusapan. Ang mga nag-aaral daw sa mga heswita sa Ateneo ay lumalabas na nagiging pilibustero.  Sa kabilang dako sa isang pagtitipon sa Intramuros na dinaluhan ng mga dalaga, mga asawa at mga anak ng kawani ang tema ng kanilang pag-uusap ay ang tungkol din sa naganap na pag-aalsa. Ayon sa isang lalaking komang galit na galit daw ang heneral kay Ibarra sapagkat naging napakabuti pa nito sa binata. Sinabi naman ng isang ginang na talagang walang utang na loob ang mga indio kaya’t di dapat silang ituring na mga tunay na tao.


Kabanata LX
Ikakasal na si Maria Clara

Dumating sa bahay ni Tiyago si Linares at ang mag-asawang de Espadaña na kapwa itinuring na pangkat ng makapamahalaan. Sinarili ni Donya Virtorina ang usapan. Sinabi na kung babarilin si Ibarra, iyon ang nararapat sapagkat siya ay isang pilibustero. Bagama’t namumutla at mahina si Maria, kanyang hinarap ang mga bisita. Humantong ang usapan tungkol sa pagpapakasal nina Maria at Linares. Nagkayarian din na magpapapista si Tiyago. Sinabihan niya si Tiya Isabel na kung ano ang nasa loob ni Maria tungkol sa napipinto nitong pakikipag-isang dibdib. Sa wari, desidido na si Tiyago na ipakasal si Maria sapagkat nakini-kinita niyang siya’y maglalabas-masok sa palasyo sa sandaling maging manugang niya si Linares. Si Linares ang tagapayo ng Kapitan Heneral, kaya’t inaakala ni Tiyago na siya ay kaiinggitan ng mga tao.


Kabanata LXI
Ang Barilan sa Lawa

Habang mabilis na sumasagwan si Elias, sinabi niya kay Ibarra na itatago siya sa bahay ng isang kaibigan sa Mandaluyong. Ang salapi ni Ibarra na itinago niya sa may puno ng balite sa libingan ng ninuno nito ay kanyang ibabalik upang may magamit si Ibarra sa pagpunta nito sa ibang bansa. Nasa ibang lupain daw ang katiwasayan ni Ibarra at hindi nababagay na manirahan sa Pilipinas, dahil ang buhay niya ay hindi inilaan sa kahirapan. Inalok ni Ibarra na magsama na lang sila ni Elias, tutal pareho na sila ng kapalaran at magturingan na parang magkapatid. Pero, tumanggi si Elias.


Kabanata LXII
Ang Pagtatapat ni Padre Damaso 

Hindi napansin ni Maria ang maraming regalo na nakabunton sa itaas ng hapag. Ang mga mata niya ay nakapako sa diyaryong nagbabalita tungkol sa pagkamatay o pagkalunod ni Ibarra. Pero, hindi naman binabasa ni Maria ang dyaryo. Pamaya-maya dumating si Pari Damaso na hinilingan kaagad ni Maria na sirain ang kasunduan ng kanyang kasal kay Linares at pangalagaan ang kapakanan ng ama. Sinabi ni Maria na ngayong patay na si Ibarra walang sinumang lalaking kanyang pakakasalan. Dalawang bagay na lamang ang mahalaga sa kanya, ang kamatayan o ang kumbento.Napagmuni ni Pari Damaso na pinaninindigan ni Maria ang kanyang sinabi, kaya humingi ito ng tawad sa kanya. Napahagulgol pa ito ng malakas habang binibigyan diin niya ang walang kapantay na pagtingin kay Maria. Wala siyang nagawa kundi pahintulutan na pumasok sa kumbento si Maria kaysa piliin nito ang kamatayan.


Kabanata LXIII
Ang Noche Buena

Noche buena na, ngunit ang mga taga-San Diego ay nangangatog sa ginaw bunga ng hanging amihan na nagmumula sa hilaga. Hindi katulad ng nakaraan na masayang-masaya ang mga tao. Ngunit ngayon lungkot na lungkot ang buong bayan. Wala man lamang nakasabit na mga parol sa bintana ng bahay. Kahit na sa tahanan ni Kapitan Basilio ay wala ring kasigla-sigla. Kausap ng kapitan si Don Filipo na napawalang sala sa mga bintang na laban dito nang mamataan nila si Sisa na isa ng palaboy pero hindi naman nananakit ng kapwa.Nakarating na si Basilio sa kanilang tahanan. Pero, wala ang kanyang ina. Paika-ika niyang tinalunton ang landas patungo sa tapat ng bahay ng alperes. Nanduon ang ina, umaawit ng walang katuturan. Inutusan ng babaing nasa durungawan ang sibil na papanhikin si Sisa. Subalit nang makita ni Sisa ang tanod, kumaripas ito ng takbo. Takot. Hinabol ni Basilio ang ina, pero binato siya ng alilang babaing nasa daan.


Kabanata LXIV
Katapusan

Magmula ng pumasok sa kumbento si Maria, nanirahan na si Padre Damaso sa Maynila. Namatay si Padre Damaso sa sama ng loob. Sa kabilang dako, si Padre Salvi habang hinihintay niya ang pagiging obispo ay nanungkulan pansamantala sa kumbento ng Sta. Clara na pinasukan ni Maria Clara. Kasunod nito ay umalis na rin sa San Diego at nanirahan na sa Maynila. Ilang linggo naman bago naging ganap na mongha si Maria, si Kapitan Tiyago ay dumanas ng sapin-saping paghihirap ng damdamin, nangayayat ng husto, naging mapag-isip at nawalan ng tiwala sa mga kainuman. Pagkagaling niya sa kumbento, sinabihan niya si Tiya Isabel na umuwi na ito sa Malabon o sa San Diego sapagkat gusto na lamang mabuhay mag-isa.

No comments:

Post a Comment