Monday, August 15, 2011

Ang Guryon


"Ang Guryon"
ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.

Saka pag sumimoy ang hangin , ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.

Ibigin mo't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob.

Ano ang gustong ipahiwatig ng tulang ang guryon?


Ipinapahiwatig ng tula sa buhay ng tao dahil ang guryon ay marupok, hindi gaanong matibay ngunit kapag napalipad mo na ito ng mataas, titingalain ito at hahangaan. Katulad din ng sa buhay ng tao, may mga pagsubok na hindi natin inaasahan. Dapat na maging matatag at may tiwala tayo sa ating sarili upang makamit natin ang ating mga pangarap at huwag nating kakalimutang ang ating panginoon.

No comments:

Post a Comment

Post a Comment